Malapit na ang eleksyon. Matagal ko nang ito napupuna at sigurado naman ako na ganoon din kayo. Sa tuwing nalalapit na ang eleksyon ay kung anu-ano na ang mga lumalabas na tapos na proyekto. Tapos kapuna-puna din yung mga banner ng pangalan nila na nakalagay na salamat. Bakit kailangang naandun ang pangalan nila? Ang punto ko eh pwede naman magpakumbaba. Hindi naman lahat ng nagawa mong mabuti eh kailangang malaman ng nakararami. Isa pa, hindi ba narurumihan at nasisira yung nagawang proyekto dahil sa mga isinasabit at idinidikit?
Isa pa ay ang mga mukha ng mga tumatakbo ngayong halalan sa likod ng mga bus. Nung una ay naaliw ako sa mga nakikita ko. Pero hindi nagtagal ay nagsasawa na ang mga mata ko sa aking mga nakikita. Pare-parehong mukha, iba-iba lang ang ginamit na bus. Nakakahilo din tignan dahil sa laki ng mga mukha nila duon ay pakiramdam ko madadaganan nila ako. Masyadong malaki ang gastusin sa advertismo. Kaya saan sila kukuha ng pera pambawi sa mga nagastos?
Marami na rin yung mga sasakyan na puro flyers ng mga kandidato. Mga sasakyan nila na nangangampanya. Mga concerts o pagtitipon. Pero isa pang nasaksihan ko eh bakit kailangang magconcert sa tabi ng simbahan? Mabuti na lang walang misa doon o hindi talaga sila nagmisa? Ewan ko. Hindi lang kasi ata tama yung lugar na napili. Tapos yung mga flyers ng mga kandidato eh idinidikit sa kung saan saang dingding. Narurumihan ang paligid. Hindi ba nila naisip na kapag naglagay sila sa mga lugar na hindi naman talaga dapat pagdikitan ng mga flyers ay tatanggalin din ang mga iyon? Isa pa ay nasasayang lang yung mga papel na ginagamit dun kung mapupunta rin naman sa wala. Nakakalbo o kalbo na nga ang ating mga kagubatan eh. Tapos sige lang sa pagdidikit at pagsuway sa batas. Sana maalala ng mga nagdidikit na ang mga papel na iyon ay mga puno ang pangunahing materyales na ginamit. May mga nakita pa ako na ipinupukpok sa mga puno yung mga flyers. Eh kung ganuon ay mas mabilis masira yung puno. Mga tao talaga.
Iba talaga ang naidudulot ng eleksyon. Mga napuna ko lang naman itong mga ito. Wala akong kinakalaban o sinisiraan. Kung ako pa lang ay napapansin na ang mga ganitong bagay ay paano pa yung iba? Lalo na yung mga mas may alam sa ganitong aspeto? Sana ay sa darating na halalan ay maging patas at totoo ang lahat. Walang maganap na dayaan at maidaos ito ng payapa.
No comments:
Post a Comment